Matagal-tagal ko na ding pinangako sa sarili ko na hinding hindi na ako iiyak... Kailanman! “big boy na ata ‘to” sambit ko sa utak ko noong nasa ika-anim na baitang ako sa elementarya.
Isang pagsubok ang pagiging OFW. Sugal kung tutuusin. Hindi mo masasabi ang kapalaran hanggang sumuong ka sa mismong laro ng buhay na ito. Ilang beses na din ako nakabasa ng istorya ng mga OFW bloggers na tila sila yata yung makapagpapabali ng aking pangako nung kabataan ko. Mapa-istorya man ito ng tagumpay o pighati, lahat nito kumukurot hanggang singit ko. Ang buong akala ko dati, ang pagpipigil lang ng pagnanasa sa katawan ang mahirap pati pala ang pagpipigil ng luha ay ganun din.
Bilang OFW ay sumugal din ako. Edad bente kwartro noong nakipagsapalaran ako sa bansang Malaysia. Nahasa ang aking dancing skills, dahil kailangan kong igalaw ang aking buong katawan bago nila maintindihan ang nais kong ipahiwatig. Natuto din magbahasa melayu sikit sikit (konte lang). at nagkaroon din ng panghihinayang sa ginawa kong hakbang na ‘to.
Kung may pinagsisisihan ako sa pagiging OFW, ay yung nawala sa akin si Jean.
Binalak kong ayusin ang lahat ng magulong bagay sa buhay ko kaya umuwi ulet ako ng pinas. Kaso… huli ng ang lahat. wala na akong babawiin.
“big boy na ‘ko” hindi kailangan magpaapekto sa pangyayari. nagpatuloy ang pagsugal sa buhay.
Nakipagsapalaran naman ako sa Singapore. Sugal ulet. katulad ng ibang OFW, posibleng pasitib o negatib ang kahinatnan ko dito. Hindi talaga ko pinanganak na gambler, pero yaen na. Lahat naman ng bagay na gagawin ng tao may consequence. bahala na nga daw si batman.
Hanggang ngayon OFW pa rin ako. nakikipagsapalaran. nagpapatianod sa agos ng buhay. Hindi ko alam kung ano ba yung iuuwi kong tagumpay sa bansa ko pagtapos nito. Paano kung ni piso wala akong kitain? Ibig sabihin ba nito ay natalo ako sa aking sugal?
Malamang Oo.
Malamang Hindi.
Sa totoo lang, ang pagkapanalo sa buhay ay naka base lahat kung papaano natin ito tinitingnan. Kung sumugal ka at natalo, ang maganda ay sinubukan mo. Walang nakalambitin na tanong sa’yo.
May panghihinayang oo.
Pero di ba ang buong buhay natin ay sugal? Kung di natin susubukan, hindi natin malalaman ang kahihinatnan.
Pag-uwi ko sa pinas….
naging matagumpay man ako o hindi dito sa ibang bansa, pipilitin kong maging masaya. pipilitin kong tuparin yung sinabi ko na hinding hindi ako iiyak.
kase natuto akong sumugal.
…na sana ang naging karanasan ay maging daan para sa pagbabago, na anu’t ano pa man ang kahihinatnan ng pagsugal sa buhay ay normal lang at dapat nating harapin ng buong tapang.
kung pasitib o negatib ang mangyari. iyon ay dahil sa kung papaano natin ito sinakyan o nilaro (siguro).
ang mahalaga ay ang mga natutunan natin sa larong ito.
Ang akdang ito ay bilang pagsuporta sa PEBA 2011: "Ako'y Magbabalik, Hatid Ko'y Pagbabago."
=====
ito na yata ang pinakamahirap na entry na ginawa ko. nahihirapan kase talaga ko maglahad ng istorya na pasitib ang magiging outcome. paano ko ba mapapakita na makakauwe ako sa bansa ko na may dalang pagbabago? ang hirap! ilang beses din akong nag delete ng draft para dito. kung papalarin, nais ko sana itong isali sa PEBA. kelangan kong sumugal ngayon.
---bulakbol
=====