Made in China (sasali sana ko sa PEBA)
Ako si Bruce… isang ofw dito sa bayan ng mga singkit. Wala akong mahanap na trabaho sa pinas kaya nung kinontak ako ng tropa na may opening sa pabrika nila, sinunggaban ko na agad ang pagkakataon. Ngayon, isa akong taga repak ng mga milk kendi dito.
Nakakatawa, sadyang hindi ko makalimutan ang unang araw ko sa bansang ito. Takte kase sa dinami dami ng makakalimutan ko, ang pag-ihi pa ang nakalimutan kong gawin bago sumakay ng eroplano. Maiihi na ko pero pilit ko itong pinipigilan. Ilang oras lang naman kase ang byahe kaya matitiis ko pa. Ikinakatakot ko kasi na baka pag tumayo ako sa eroplano at pumuta sa CR ay maligaw ako at hindi ko na alam kung san uupo. Aba e, pagkalake ga ng eroplano, mas malaki pa sa bas na sinasakyan ko pauwe ng aming probinsa. Nakakahiya kaya na magtanong tanong kung san ako nakapwesto. Nakahinga ako ng malalim ng lumapag na ang eroplano. Konting tiis nalang at makakaihi na ako. Subalit, nagkamali ako, ilang oras din ang nakalipas bago ko nakita ang CR. Bihira lang pala ang marunong mag English sa bansang ‘to. Konti pa naman ang baon kong English. Kaya ayon, ilang tao din ang napagtanungan ko bago ko nahanap ang kubeta. Madali ko namang nakita ang aking tropa na si John sa labas ng airport. May dala dala kasi syang placard na nakasulat “welcome mr. biglang-awa”. Ang sabi ko, bakit nya pa ginawa yon e magkakilala naman kami. Sagot nya ay, mas mainam na daw na may ganoon para mabilis kaming magkakitaan.
Ang bilis talaga ng panahon, parang kelan lang ang mga pangyayaring yan. Ngayon magdadalawang taon na ako dito. Ayos naman. Hindi na ako naliligaw sa paghananap ng palikuran tuwing lumalabas. Natutunan ko na rin kasi ang kanilang lenggwahe at kung sasali ako sa spelling bee, malamang ay hindi na rin ako papahuli. Yun nga lang, may mga panahong nahihiya akong gumamit ng banyo lalo na kapag nakakatikim ako ng bagong putahe ng mga intsik. Medyo naging maselan yata ang tiyan ko simula ng makatapak sa ibang lugar. Buti na lang kamo, hindi ako nag-iisa. Kaya nga tuwing nagkakasalo-salo kami ng mga tropa kong Pinoy dito sa Tsina, parang huling hapunan na namin sa dami ng putahe na aming inihahanda.
Isang bagay na talagang bilib ako sa bansang ito ay ang kanilang pagiging makabayan. Kada pupunta kasi ako ng mall at titingnan ng etiketa ng mga produkto lahat made in china. Kumbaga sila ang magandang halimbawa ng tag line na “Buy Pinoy” sa ating bansa. Balak ko nga bumuli nung isang araw ng celfon, kaso mahinang klase daw ang mga galing tsina, humahanap ako ng made in finland pero wala. Ewan ko ba bakit naging mindset na nating mga Pinoy na kapag Made in China mahina. Samantalang parang Pilipinas din naman sila. Sa atin ang labor at mass production pero kapag inalabas na sa merkado, made in saan mang sikat na bansa ang nakalagay sa etiketa.
Minsan tuloy naiisip ko kung ang tao may etiketa din paano na kaya ako? Tatangkilikin pa kaya ako ng mga Pinay sa ating bansa kung malaman nilang made in china din ako? Makakadate ko pa kaya ang mga trip kong chix? Matitikman ko kaya ang mga natitikman kong putahe ngayon? Mga katanungang bumabanaag sa isipan ko dahil baka kasi isipin nilang mahinang klase ang lalaking tulad ko. Hindi niyo kasi naitatanong, ang aking ama’t ina ay dating ofw dito sa china. Nagkakilala sila at ako ang naging bunga. Dito ako sa tsina nabuo at umuwi lang ang aking ina nung nasa ikalimang buwan na ako sa kanyang sinapupunan. Kaya maituturing na ako ay isa ding made in china.
Ako nga pala ulet si Bruce, Bruce Biglang-awa. Nakuha ng aking ama ang aking pangalan sa kanyang paboritong aktor na intsik. Si Bruce Lee.
11 comments:
Bruce, ok lang yan. marami din namang chinese na made in the philippines.
nice one! :D
alam mo bang dati, kapag made in japan, mahinang klase din? Pero di nagtagal nag-improve sila..hehe.wala lang, may nakapagsabi lang saken.tsk tsk
sa tingin ko naman, ikaw ang made in china na mahuwasy, tingnan mo't nakasulat ka ng ganyang kagandang sulat diba diba?
langya ka! haha! tawa ko ng tawa sa opis isali na ito sa PEBA para makaboto na ko! =)
akala ko naman sasali ka talaga sa PEBA :)
@domj, sya nga? madami din made in phil? lol
@goyo, salamat sir sa pagkagusto sa kwento at sa pagbahagi ng info tungkol sa japan.
@renz, salamat...magaling ba?dba dba?
@roane, d daw ako pede sumali sa PEBA dapat 6mos na blogger na bago makasali
@muse, hahaha.. akala mo lang yown.
Nakakatawa naman itong post na ito.
Good luck po sa iyong entry sa PEBA...
May kakaiba kang talento na lumikha ng magagandang panulat na nakatatawag pansin sa nakararaming Pilipino na nararapat lamang na maibahagi ang iyong akda sa patimpalak ng PEBA 2011.
Sa aking pangunawa sa alituntunin ng PEBA 2011, ika'y maaring lumahok sa patimpalak. Naniniwala akong makalilikha ka ng isang makabuluhang panulat ayon sa hihinging tema ng PEBA 2011. Nawa'y matugunan mo ang hamon na makapagbigay inspirasyon sa nakararaming Pilipino sa buong mundo sa daigdig ng blog. Nawa'y pagpalain ka ng Maykapal sa pagharap sa hamon na ito.
Sumasang-ayon ako sa mga sinabi ni The Pope, muli, inaanyayahan kita na makilahok sa PEBA 2011
NARITO ANG MGA DETALYE NG PAGSALI
ANG NOMINATION FORM
ANG CRITERIA AT MGA ALITUNTUNIN
Salamat ng marami sa paglagay ng Title na "sasali sana ako sa PEBA" isang napakasarap na pagpapahiwatig ng munting pangarap na alam namin na kayang matupad... goodluck sa pagiging nominee ng PEBA 2011!
Post a Comment